Friday, September 7, 2012

Game Master


Characters:

Bata – First year college sa isang public college, pero ayaw na niyang magaral dahil gusto na niyang magtrabaho para kumita ng pera at makatulong sa kanyang nanay.


Nanay – Breadwinner ng pamilya, pilit na pinagaaral ang anak dahil naniniwala siyang ito ang makakapagahon sa kanila sa kahirapan. Tumatanggap ng labada at worker sa isang pabrika, kahit na mahina na ang katawan.


Tatay – Sugarol at lasenggero, mahilig lang humingi ng pangtustos sa kanyang mga gawain sa kanyang asawa at kung hindi pa bibigyan ay nambubugbog. Masasangkot sa isang gulo sa mga sindikato.

Killer – Lalake, Tauhan ng kinalaban ng tatay, mapapagutusan lang na tugisin ang pamilya ng tatay.

FADE IN


Exterior. Squatters’ Area, sa labas ng bahay ng mag-anak. Gabi.

Bali-balikong maglalakad ang bata pauwi dahil nakainom galing sa inuman kasama ng mga kaklase. Wala pa siya sa huwisyo at makakarinig ng isang sigaw at makikilala niyang boses ng nanay niya ‘yon. Makikita niyang sinaksak ng isang lalake ang kanyang nanay sa tapat ng bahay nila.


BATA
Nay!

Tatakbo siya papalapit sa kanyang nanay habang ang killer ay tumatakbo na rin palayo. Maiiyak na lang siya habang hawak niya ang kanyang inang naghihingalo.

FADE OUT


FADE IN

Interior. Classroom. Hapon.
Magkukulitan lamang ang mga magkaklase habang nagaantay ng professor [Apat na classmate tsaka ‘yung bata].

Classmate 1
Uy! Ano, mamaya ha! Inuman tayo!

Bata
Inom na naman? Parang nung isang araw lang uminom din tayo.

Classmate 2
Ano ka ba, nung isang araw pa ‘yun! Past is past!

Bata
Sige, bahala na mamaya.

Classmate 3
KJ naman nito, sumama ka na!

Patuloy sa pagkukulitan ang mga kaklase hanggang sa dumating ang professor.

Exterior. Labas ng school. Hapon.
Magyoyosi sa labas ng school ang bata, habang nagyoyosi magiisip-isip siya tungkol sa buhay buhay niya. Ipapakita sa scenes ang nanay niyang todo kayod para lang makapagaral siya, pagaaway nila ng nanay niya dahil ayaw na nga niyang magaral at gusto na lang magtrabaho, at ‘yung lasenggero niyang tatay na nanghihingi na naman ng pang-toma.

BATA [MONOLOGUE/VO]
Tuwing may problema ako, lagi ko na lang sinasabi “Bahala na si Batman!” Bakit Batman at hindi Diyos? Bakit pa, e pareho lang naman silang hindi totoo. At least, kung si Batman magmumukha pa ‘kong cool sa harap ng ibang tao. Sa totoo lang, wala na yata akong pinaniniwalaan.

Magpapatay na ng upos ang bata at didiretso na kung saan man siya pupunta.

Exterior. Tambayan nilang magkaklase. Dapit-hapon, pa-gabi.
Nagiinuman na ang mga kaklase. Scenes lang with music. Inom, inom, inom, yosi, yosi, yosi. Pwede mag-dialogue, kahit ano lang… mga kwentong lasing. Hanggang sa magkabasagan na sila at magsiuwian na.

Exterior. Squatters’ Area, sa labas ng bahay ng mag-anak. Gabi.
Bali-balikong maglalakad ang bata pauwi dahil nakainom galing sa inuman kasama ng mga kaklase. Wala pa siya sa huwisyo at makakarinig ng isang sigaw at makikilala niyang boses ng nanay niya ‘yon. Makikita niyang sinaksak ng isang lalake ang kanyang nanay sa tapat ng bahay nila.

BATA
Nay!

Tatakbo siya papalapit sa kanyang nanay habang ang killer ay tumatakbo na rin palayo. Maiiyak na lang siya habang hawak niya ang kanyang inang naghihingalo.

BATA [MONOLOGUE/VO]
May mga pangyayari sa buhay na aakalain mong aksidente pero paano kung ang mga bagay na ito’y hindi nagkataon lamang kundi kalkulado? Sabi nga, ang buhay ay parang isang laro, bawat gawin mo ngayon ay may epekto mamaya o bukas, o sa susunod pa. Tulad ng mga laro, dapat nasa tamang landas ka. Kaya may game master, para gabayan ka sa tamang landas. Dito, ikaw ang pipili kung kanino ka maniniwala. Ikaw, sino ang game master mo?

Exterior. Labas ng school. Hapon.
Magyoyosi sa labas ng school ang bata.

BATA [MONOLOGUE/VO]
Tuwing may problema ako, lagi ko na lang sinasabi “Bahala na si Batman!” Bakit Batman at hindi Diyos? Bakit pa, e pareho lang naman silang hindi totoo. At least, kung si Batman magmumukha pa ‘kong cool sa harap ng ibang tao. Sa totoo lang, wala na yata akong pinaniniwalaan.

Magpapatay na ng upos ang bata at didiretso na kung saan man siya pupunta, this time pauwi na.

Exterior. Lakad pauwi nung bata. Hapon.
May simbahan na nadadaan ‘yung bata pauwi ng bahay nila. Kung dati hindi niya ‘to pinapansin this time, mapapatigil siya sa harap nito at magiisip.

BATA [MONOLOGUE/VO]
Pero, hindi naman siguro masama kung susubukan kong maniwala.
Ipapakita na papasok siya sa loob ng simbahan at magdadasal.
Interior. Simbahan. Hapon.

Ipapakitang nagdadasal ang bata.

BATA [MONOLOGUE/VO]
Lord, pinipili po kita bilang game master ko. Gabayan niyo po ako sa buhay, pati na rin po ang pamilya ko. Tulungan niyo po kaming maging malakas sa bawat pagsubok na pagdadaanan namin. Sa inyo na lang po ako maniniwala, kesa kay Batman dahil sabi po nila, kayo po ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng oras. Pang-Gotham city lang po kasi si batman.

BATA
Tiwala lang, brad. Tiwala.

Interior. Bahay. Dapit-hapon.
Maagang makakauwi ng bahay ang bata. Matutuwa ang nanay niya na bumili ng pangmeryenda nila dahil nagkaroon ng konting sobra sa kinita ngayong araw.

NANAY
Oh, anak? Kamusta? Ang aga mo yatang umuwi ngayon?

BATA
Madami kasing assignment para bukas, ‘nay.

NANAY
Ganon ba, oh eto kumain ka muna bago ka gumawa ng mga ‘yan.

Interior. Sala ng bahay. Gabi.
Gumagawa ng assignment ang bata nang dumating ang killer na manghihimasok sa bahay nila. Maglalaban ang bata at ang killer, nasa gilid lang ang nanay na takot na takot para sa anak. Susubukan ding manlaban pero masusuntok ito ng killer at mawawalan ng malay. Madedehado ang bata at magkaka-advantage ang killer pero bago pa man siya mapatay ng killer, may hahampas sa killer mula sa likod, si classmate 4. Magugulat ang bata.

BATA
Bakit ka andito?!

CLASSMATE 4
Dinaan ko lang ‘tong mga hiniram mong libro! Anong nangyari?!
Makakahinga na nang maluwag ang bata at tutulungan siya ni classmate 4 tumayo.

BATA [MONOLOGUE/VO]
May mga pangyayari sa buhay na aakalain mong aksidente pero paano kung ang mga bagay na ito’y hindi nagkataon lamang kundi kalkulado? Hindi mo alam kung anong mangyayari kaya... tiwala na lang brad, tiwala.

FADE OUT

##

Thursday, August 16, 2012

Paglalakbay sa Imahinasyon ng Torpeng Lalaki (4/4)


Interior. Classroom. Hapon.
Maghahanda si Chris bago pumasok sa classroom. Hindi siya masyadong makakapagconcentrate sa klase nila dahil inaantay lang niya ang mga minuto bago matapos ang klase. Nagaabang para masabi na niya kay Rica ang dapat matagal na niyang sinabi.

PROFESSOR
Okay, class, are there any questions?

Maglalakas loob at magtataas ng kamay si Chris.

PROFESSOR
Yes, Mr. Enriquez, what’s your question?

CHRIS
Sir, I don’t have a question. I just want to use this time to tell Miss Rica Alba that I like her, for three years now.

Tatayo si Chris at Titingin kay Rica na nagulat sa ginawa niya. Matutuwa lahat ng kaklase nila. Kinikilig na magtitilian ang mga babae samantalang ang mga lalake nama’y parang mga boosters ni Chris tuwing football game at patuloy ang pagcheer sa kanya. Ngingitian na siya ni Rica at magyayakap na sana silang dalawa.

PROFESSOR
Mr. Enriquez, what is your question?

Magugulat si Chris at hindi makakapaniwalang hindi pala totoo ang lahat, nakataas pa rin ang kamay niya. Tatapikin siya ni Rica.

RICA
Uy, ano ba ‘yung tanong mo? Nagtaas ka ng kamay tapos bigla kang natulala dyan?

Tititigan lang ni Chris si Rica na merong litong-lito  na ekspresyon sa kanyang mukha. Mababalik ang tingin niya sa kanyang professor. Wala na siyang nagawa, tumayo na lang siya.

CHRIS
Sir, pwede pong mag-CR?

Nagmamadaling lumabas si Chris ng classroom na para bang natatae.

#END#

*Unang pagkakataon na nagtangka akong magsulat ng script, sana maging mabait kayo. :)
*Kung may magbabalak mang-angkin o magnakaw: vengeance is God's, not ours.

Thursday, August 9, 2012

Paglalakbay sa Imahinasyon ng Torpeng Lalaki (3/4)


FADE IN

Exterior. Walkway. Umaga.
Maagang pumasok si Chris para sa football practice at para maabutan niya si Rica. Makikitang naglalakad si Rica habang humahabol si Chris sa likod. Mapapalingon si Rica at makikita niya si Chris.

RICA
Oh, Chris! Ang aga mo naman yatang pumasok?

CHRIS
May football practice eh. Ikaw, bakit ang aga mo pumasok?

RICA
Eh ganitong oras naman talaga ako pumapasok, parang hindi mo naman alam. Pupunta ‘kong library, magaaral.

Magkakaroon ng awkward silence.

RICA
Ikamusta mo na nga pala ako kay Carlos, matagal ko nang ‘di nakikita ‘yun eh.

CHRIS
Sige, sige. Baka andun na nga ‘yun eh, lagi namang maaga ‘yun.

RICA
Uhm, Chris?

CHRIS
Bakit?

RICA
Ano nga ‘yung sasabihin mo dapat sakin dati?

Mapapatigil si Chris at biglang magiging awkward pa lalo.

CHRIS
Ha? Ano ‘yun? Nakalimutan ko na. Hahaha! Uy, sige mamaya na lang. Male-late nako ako eh.

Panakbong aalis si Chris at maiiwan si Rica na litong-lito sa nangyari.

Exterior. Football field. Umaga.
Magkahalong inis at lungkot ang nasa mukha ni Chris habang naglalakad papuntang field. Mapapansin ito ni Carlos.

CARLOS
Oh, mama! Why the long face?

CHRIS
Kasama ko si Rica bago pumunta dito. Tinanong niya ako kung ano ‘yung sasabihin ko dati.

CARLOS
Oh, tapos?! Sinabi mo na?

CHRIS
Hindi, kinabahan ako.

CARLOS
Chicken! Nasa harap mo na oh, tutukain mo na lang. Ano pa bang bet mong set-up?

CHRIS
Mamaya na talaga sa classroom, sigurado na.

CARLOS
Hay nako, sana naman mag-dream come true na, te! Anong petsa na?!
Hindi na sasagot si Chris, magpapatuloy na lamang sa pagpapractice ang dalawa.

Itutuloy. :)

*Unang pagkakataon na nagtangka akong magsulat ng script, sana maging mabait kayo. :)
*Ipa-publish linggo-lingo, antabayanan (pero kung ayaw niyo, di huwag.)
*Kung may magbabalak mang-angkin o magnakaw: vengeance is God's, not ours.

Friday, August 3, 2012

Paglalakbay sa Imahinasyon ng Torpeng Lalaki (2/4)


Exterior. Football field. Hapon.
Nasa football practice si Chris at Carlos. May mga babaeng nakatambay sa gilid ng football field at pinapanood lang silang magpractice. Papangaralan na naman ni Carlos si Chris.

CARLOS
Bakit kasi hindi mo masabi-sabi sa bestfriend ko? Tignan mo nga ‘yang itsura mo at tignan mo rin ‘yang fanbase mo.

Karamihan ng mga babaeng nanunuod sa football practice ay may gusto kay Chris. Mapapatingin si Chris sa kanila at kikiligin naman ang mga ‘to.

CHRIS [MONOLOGUE]
Paano nga kaya isa na lang si Rica sa mga babaeng ‘to?

CHRIS
Grabe ka naman, sinusubukan ko naman eh.

[FLASHBACK]

Exterior. Walkway. Hapon.
Hahatid ni Chris si Rica papuntang gym para sa practice ng dance troupe. Tahimik na kumportable sa isa’t isa sina Chris at Rica habang naglalakad, parang eksena sa koreanovela with matching falling leaves pa ang set-up. Babalakin ni Chris na sabihin na kay Rica.

CHRIS
Rica, may sasabihin sana ako sayo.

RICA
Ano naman ‘yun?

Magiipon na ng lakas ng loob si Chris at konti na lang ay mailalabas na niya ang mga nararamdaman, pero biglang magriring ang cellphone ni Rica.

RICA [SA CELLPHONE]
Hello? Oh? Sige, malapit na’ko.

RICA
Uy, andun na daw ‘yung choreographer namin, hinahanap na ako. Bilisan na natin?

CHRIS
Ah, talaga. Sige, tara.

[END FLASHBACK]

Interior. Kwarto ni Chris. Gabi.
Kakauwi lang ni Chris galing school. Kakatapos lang maligo at gagawa ng assignments. Bago matulog, maiisip pa niya si Rica.

CHRIS
Bukas, sasabihin ko na talaga. Bukas.

FADE OUT

Itutuloy. :)

*Unang pagkakataon na nagtangka akong magsulat ng script, sana maging mabait kayo. :)
*Ipa-publish linggo-lingo, antabayanan (pero kung ayaw niyo, di huwag.)
*Kung may magbabalak mang-angkin o magnakaw: vengeance is God's, not ours.


Friday, July 27, 2012

Paglalakbay sa Imahinasyon ng Torpeng Lalaki (1/4)

*Unang pagkakataon na nagtangka akong magsulat ng script, sana maging mabait kayo. :)
*Ipa-publish linggo-lingo, antabayanan (pero kung ayaw niyo, di huwag.)
*Kung may magbabalak mang-angkin o magnakaw: vengeance is God's, not ours.

Characters:

Chris - 20 years old, Fine Arts student, matalino—Dean’s Lister, matangkad, kayumanggi, gwapo pero hindi niya alam, mahilig sa sports, tahimik pero hindi anti-social, humble, heartthrob, masasabing ideal guy siya ng karamihan sa mga babae, pero torpe.

Rica - 19 years old, classmate ni Chris, maliit, maputi, payat, may hitsura lang, mabait, approachable, makulit, medyo madaldal, medyo mahinhin, thoughtful, average student, active sa mga organization activites, three years nang gusto ni Chris.

Carlos - 20 years old, Fine Arts Student, pero nasa ibang section, best friend ni Rica, bisexual daw siya, matangkad, maputi, hating hati ang katauhan sa dalawang gender—kasali siya sa varsity ng football, confidante ni Chris.


FADE IN

Interior. Classroom. 4PM ng hapon.
Magpapakita ng orasan sa classroom na limang minuto na lamang bago matapos ang klase.

Professor
Okay, class, are there any questions?

Mananatiling nakaupo si Chris habang nagdadalawang isip kung itataas ba niya ang kanyang kamay para magtanong. Mauubusan siya ng oras, biglang magriring ang school alarm.

Professor
Class dismissed.

Yuyuko na lamang habang nanatiling nakaupo si Chris at manghihinayang na naman sa nasayang na pagkakataon.

Exterior. Walkway papuntang football field. 5pm ng Hapon.
Malungkot na maglalakad si Chris papuntang football practice. Makikita namang humahabol si Carlos sa likod.

Carlos
 Oh te, ano nasabi mo na ba?

Chris
Hindi na naman eh.

Carlos
Ay nako, kalurky! Bakit pa nga ba ako nag-expect?

CHRIS [MONOLOGUE]
Kelan ko nga ba masasabi? Hay, tatlong taon na ‘to. Kung tae siguro to, malamang, nabulok na ‘to sa sistema ko.

[FLASHBACK]

Interior. Classroom. Umaga.
First day of school ni Chris sa college. Tahimik lang siyang uupo sa sa loob ng classroom na sobrang gulo dahil sa mga classmates niyang nagge-getting-to-know na. Papasok si Rica sa loob ng classroom at uupo sa bakateng upuan sa tabi ni Chris.

RICA
Hi, ako si Rica. Anong name mo?

CHRIS
Chris.

Dahil wala namang professor na pumapasok tuwing first day, mauubos ang oras nang nagkkwentuhan lang sila ng kung ano-ano at unti-unting magiging kumportable sa isa’t isa.

[END FLASHBACK]

Itutuloy.. :)

Saturday, May 26, 2012

Para sa'yo, ulit.

Gusto kita, pero di ko alam kung gusto mo din ako.  


Ang hirap mo kasing basahin. Masyado ka kasing mabait. Hindi ko tuloy alam kung maglalagay na ba ako ng itlog o dalawang scoop ng ice cream sa ulo ko dahil espesyal ako o baka ganon ka lang talaga sa lahat ng tao.

Hindi ko alam kung ganyan din ang trato mo sa iba, o baka (sana) sa akin lang. Alam ko naman na hindi naman ako dapat umaasa sa kahit ano, kasi wala ka rin namang kasiguraduhan na ipinangako sa akin. 


Sino ba naman ako, diba? 


Hindi ko na rin alam kung anong importante, na masabi ko sa'yong gusto kita o ang maghangad ng happy ending sa kwentong 'to. Pero sabi nga ni Adam Levine, "all those fairy tales are full of shit." Ano ba namang laban ng istoryang nabuo ng imahinasyon ng tao sa pagkakupal ng tunay na buhay?  


Nakakainis lang. Kasi, kung ayaw mo edi sana sinabi mo na lang.  


Hindi 'yung ganitong binibigyan mo ako ng katiting na pagasa dahil wala kang sinasabi. Wala kang tinutuldukan, nakakainis na. Nakalimutan mo yata na importante ang tuldok sa pagtapos ng kwento.  


Pero mas nakakainis ako. Kahit siguro kalahating hibla na lamang 'yung pagasang 'yun, sige pa rin ako sa pagbitin.  


Masyado ka lang bang mabait at ayaw mo kong bumitaw sa hiblang 'yon dahil hindi mo ko kayang makitang mahulog sa mga matatalim na kahoy na naka-abang sa ilalim o masyado kang masama at natutuwa kang makita na nakabitin ako sa hiblang ikaw ang may hawak? 


Sabihin mo lang, madali naman akong kausap. 



Kaunti na lang kasi, bibitaw na ako.


Tuesday, April 3, 2012

30-minute emo break

Ngayon ko lang din napagtanto.

O siguro dati pa, ayaw lang tanggapin ng isip ko.

Ako lang naman talaga. Ako lang yung mapilit, ako lang yung gumagawa ng paraan. Siguro yung mga nakatutuwang mga bagay na nangyari dati, hindi naman talaga nangyari. Guni-guni ko lang. Imahinasyon ko lang lahat ng 'yun.

Dulot ng pagpupumilit ko sa mga bagay na 'to.

Ang hirap kasing tanggapin, sana 'wag mo akong sisihin.

Sabi ko, ayokong namimilit ng tao. Kelan pa ako nagsimulang magpumilit sa mga bagay na ako lang naman ang may gusto? Hindi ko rin alam. Hindi ko na rin namalayan.

Pasensya na.

Sa paggawa ng mga alaalang ako lang yata ang nakaalala, pasensya na.
Sa kagustuhan kong madamay sa mundong ginagalawan mo, pasensya na.
Sa kasabikan ko tuwing naiisip kong magkikita na ulit tayo, pasensya na.

Akala ko kasi...

Thursday, March 22, 2012

Para kay BB

Hello,

Kahit naman isulat ko, hindi ko rin alam kung paano sisimulan. Hindi ko na tuloy alam kung paano ko nga ba sasabihin sa’yo. Ganito na lang, wala nang paligoy-ligoy pa.

Gusto kasi kita, medyo matagal na.

Bago ka magulat, gusto ko lang linawin na gusto kita bukod sa isang kaibigan pero hindi pa dumarating sa puntong mahal na kita (eeww, Love is a strong word that I rarely use). Hindi ko nga rin alam kung bakit ko nga ba sinasabi sa’yo ‘to. Eh bukod sa hindi naman ako nagmamadali, eh wala rin naman akong kahit na anong motibo.

Sa totoo lang, ngayong iniisip kong mabuti... hindi ko rin alam kung bakit nga ba kita gusto. Hindi rin naman ako kinikilig kapag nakikita kita. Basta ang alam ko, gusto ko lagi kitang nakikita pero okay lang rin na hindi. Ewan, pasensya na kung magulo. Pati nga ako, naguguluhan eh. Hindi ko na tuloy alam kung paano ko i-eexplain sa’yo.

Sabi ko nga, hindi ko alam kung bakit kita gusto. Sa totoo lang, madami akong naiisip na mga bagay na hindi ko gusto sa’yo. ‘Yung pagiging masyado mong magalang, inis na inis talaga ako kapag tinatawag mo kong ate. Lagi mo kong di nirereplyan, pero di ko naman sinabing dapat mo kong replyan (naiinis lang talaga ako). At isa pa, hindi ka gentleman (sorry).

Pero kasi...

Tuwing nakikita kita, nakukuntento ako. Kung di mo alam, bugnutin ako. Hindi ako natitigil sa isang lugar na walang ginagawa kundi magwawala at magiinarte ako hanggang sa makaalis sa lugar na ‘yun. Pero tuwing kasama kita, masaya lang ako dahil nakita kita. Kahit walang ginagawa, okay lang.
‘Yung sinasabing may butterflies sa tiyan pag nakikita ‘yung taong gusto mo, hindi yata effective sakin ‘yun. Kasi wala talaga eh. Natutuwa ako kasi dami mong kwento, natatawa ako kasi dami mong jokes o nakakatawang sinasabi. Basta kapag andyan ka, natatahimik ako (not literally).

Bakit ko nga ba gustong sabihin sa’yo na gusto kita? Hindi ko na rin alam.
Siguro, dahil aalis ka na. Dati ngang nagaaral ka pa, di na tayo madalas magkita paano pa kaya kung magkaiba pa tayo ng lugar diba? Sabi daw kasi, sayang ‘yung pagkakataon. Pero andyan na nga ‘yung pagkakataon, hindi pa rin ako handa.

Kelan nga ba masasabing tama ang pagkakataon? Kapag nasa harap mo na o kapag handa ka na?

Ewan.

Sabi ko nga, wala akong motibo sa pagsabi ko nito (kaya nga hindi ko talaga alam kung bakit ko ba sinasabi sa’yo). Hindi na rin masama kung sasabihin mo sa akin kung anumang opinyon mo tungkol dito pero sana lang, magkaibigan pa rin tayo.

Ayoko ng ilangan, kundi susuntukin kita. Hehe.

Tuesday, February 14, 2012

Kung gaano nga ba kalaking responsibilidad ang magmahal

Ewan ko, pero baka sawa na sa pagpapa-aral sa akin ang mga magulang ko. Nanay ko kasi, panay ang pilit sakin na maghanap na daw ako ng boyfriend. Tatay ko naman, tuwing makakausap ko via Skype, madalas na tanong sakin eh kung may boyfriend na daw ba ako. Mas excited pa sila kesa sa akin sa pagbuo ng love story ko.

Matagal na rin kasi mula noong nagseryoso ako sa ganitong bagay. Kaya siguro naiinip na sila, o baka kinakabahan na tumanda akong dalaga.

Hindi naman kasi talaga ako nagmamadali. Ang gusto ko ay kung meron man, hindi yung papuchu-puchu lang. FYI, hindi po ako fan ng gaguhan o trip-trip lang.

Ayokong makipagrelasyon dahil namimiss lang 'yung may kaholding hands tuwing naglalakad o di kaya nama'y naiinggit lang sa mga dumadaang magsyotang nakapulupot na yata ang bituka sa isa't isa. Ayokong makipagrelasyon para lang may kasama ako sa mga gusto kong puntahan. Ayokong makipagrelasyon para lang may ka-unlitxt, ka-superunli o di kaya nama'y ka-bbm. Ayokong makipagrelasyon para lang may matanggap na regalo tuwing may espesyal na okasyon.

Kung makikipagrelasyon ako hindi 'yung nainggit lang ako, dapat handa ako. Hindi lang naman puro pagkaumay sa katamisan ang dulot nito, meron ding sigawan, alitan, di pagkakaintindihan at cool-off, na pwedeng mapunta sa cool-off 'forever'. Totoong buhay po 'to, hindi koreanovela.

Kung makikipagrelasyon ako, dapat 'yung alam kong andyan kami para sa isa't isa pero meron kaming mga sariling buhay na aasikasuhin pa. Ayoko talaga 'yung relasyong dependent sa isa-isa, akala siamese twins sila. Dapat, co-existing and independent. Tig-isa po ang binigay na buhay ng Diyos sa atin, gamitin nating maigi.

Malihis lang ng onti, naiinis lang talaga ako sa mga humihingi ng paalam sa mga syota nila. Unang una, magpapaalam ka lang. Ibig sabihin, ipapaalam mo lang.. Hindi na dapat inaantay kung papayag o hindi. Pangalawa, meron tayong kanya-kanyang mga magulang para hingan ng permiso. Pangatlo, kung madalas siyang maghigpit sayo... Malamang sa malamang, wala siyang tiwala sa'yo at mas mataas ang porsyente na ginagawa niya ang mga bagay na ipinagbabawal niya sa'yo. 'Wag magpauto.

Mabalik tayo. Ayokong makipagrelasyon para lang sa mga regalo. May mga kaibigan naman tayo para magbigay nun. Isa pa, hindi naman talaga kelangan nun. Bonus lang 'yun kasi kung 'yun lang ang habol mo, edi sana tumambay ka na lang sa may lrt, o di kaya sa mga malls at magantay ng mga freebies ng mga bagong produkto.

Sabi ko nga, ang hirap nang hindi sigurado. Kaya dapat, sigurado ka ng 200% kung gusto mo talagang makipagrelasyon sa taong inaasam-asam mo. Kung pinagnanasahan mo lang naman siya, try mo na lang pumunta sa banyo. Baka pag labas mo, wala na 'yung nararamdaman mo.

Isa pang dahilan kung bakit wala akong boyfriend, kasi isa lang naman 'yung taong gusto ko. (Hindi ako choosy, sadyang siya lang ang choice ko) Hindi ko pa sigurado kung ano ba talagang ganap sa amin (o kung meron man).

Sabi sa'yo, mahirap ang hindi sigurado eh. Pero ibang usapan na 'to.

Para sa mga may 'special someone', Enjoy this fake holiday devoted to you.

Para sa mga single na tulad ko, cheers!

Thursday, January 19, 2012

Long Distance Relationship*

Nagulat din ako nung nalaman ko.

Sabay tinabunan ng lungkot nang naproseso na ng utak. Aalis na daw si Sheri ng bansa.


Wala man lang intro ang pagkakasabi niya sa akin, diretso sa punto. Dumiretso din tuloy ang sakit sa puso ko nang malamang tatlong araw na lang ay wala na akong kasama sa araw-araw.

Pupunta raw siyang Canada at doon na magtatrabaho. Wala daw kasing oppurtunity dito. Hindi ko naman siya masisisi. Sinuwerte nga lang rin ako.

Gusto ko siyang pigilan.

Hindi ko pa nga nasasabi sa kanyang mahal ko siya. Oo, sa tagal naming naging magbest friend, at sa walang tigil na pangaasar ng mga kabarkada namin, tsaka ko lang din napagtanto. Sorry na, medyo slow lang ang utak, o baka puso. Pero ngayon, hindi na 'yun mahalaga. Wala na akong panahon.

Para akong nag-e-exam. Sampung minuto na lang at magpapasa na ng papel pero wala pa rin akong maisagot.

Binalikan ko lahat ng alaalang naalala ko naming dalawa.
Alam ko na. 'Yun din naman pala ang sagot, hindi ko lang agad nakita.

Nakaupo ako ngayon sa arrival area ng airport.

Sa kaliwang kamay ko'y may isang maliit na kahon na naghihintay ng may-ari. Sumilip pa 'ko ng isang huling beses sa papel na hawak ko sa kanan. Animo'y kodigo sa exam, kinakabisado ko ang mga sasambitin.

Pero wala rin itong silbi. Nilukot ko na ang papel at tumayo.

Natatanaw ko na kasi ang sagot sa malayo.


*working title
*draft, not final

Tuesday, January 3, 2012

Ay. Oh, may pasok na?

Dahil pasukan na bukas (ako lang pala, nauna na yung iba kanina), at himala sa mga himalang maaga akong nagising ngayon, Nagkaroon ako ng pagkakataong magnilay at tanggapin sa sarili ko na tapos na nga ang bakasyon. Gusto ko pa sanang umiyak na parang batang nagiinarte dahil ayaw pa niyang pumasok sa school kaya lang sayang rin dahil ako lang naman ang gising sa bahay ngayong oras, sino namang manunuod ng pagiinarte ko?

Ang mga estudyante (sorry, yung ibang working hindi na kasali. Kelangan niyong matanggap lalo na wala na kayong bakasyon), bukod sa mga no class day holidays at free cuts, tiyak akong inaabangan itong bakasyon. Sino ba namang hindi? Eto yung mga panahong maihahambing natin ang ating mga sarili sa mga presong pinayagan ng parole protection.

Malaya tayo. Walang mga professors na parang mga pulis kung makapagbantay at makapagpahirap sa atin. Walang mga parusang school works na uupuan mo pa lang para gawin eh feeling mo nasa electric chair ka na. Walang bakas ng bartolina ng mga estudyante, ang classroom.

Pero wala, tapos na ang maliligaya nating araw. Kelangan na nating magpaalam sa mga bagay na kinasanayan natin habang tayo'y nasa labas.

Ano nga ba ang mga bagay na mamimiss mo ngayon bakasyon? Hindi ko sigurado 'yung sa inyo pero eto yung ilan sa mga bagay na mamimiss ko.

Vampire mode

At hindi ko tinutukoy yung mga kumikinang. Ito lang yung tawag ko sa kalayaan kong magpuyat hangga't hindi pa sumisikat ang araw. Kahit ano pwede mong gawin--manuod, magbasa, maginternet, magconcert, tumambling sa kwarto mo ng paulit-ulit, kausapin ang roommate na butiki, kahit ano huwag lang ang matulog. Ewan ko sa inyo pero lagi kong ginagawa 'to kapag bakasyon kasi pagkagising ko kinaumagahan (mga hapon 'yun), mapapasayaw na lang ako ng "jump brother" dahil alam kong wala pa ring pasok.

Series marathons

Adik ako sa kahit anong mapapanuod na series, basta maganda. Mapa-koreanovela, taiwan novela, jdorama pa yan o american series, wala akong sinasanto. Santong paspasan, ganyan ako manuod. Bibili ako ng dvd (sorry, Rony Ricketts) at hangga't maari isang upuan ang isang series. Baka isipin niyo baliw ako pero hindi ko lang talaga matiis na hindi ko alam ang katapusan ng isang kwento. Sa kasawiang palad, walang american series tuwing christmas break dahil syempre nagki-christmas din naman sila. Kaya kadalasan mga natirang mga anime o koreanovela sa aking mahiwagang baul (oo, pirata ako. Sorry na talaga) ang pinapanuod ko.

Party, party!

Sabi nga ng Black Eyed Peas, "Party all night and sleep all day" at dahil gusto ko sila, ginawa ko 'tong motto tuwing bakasyon. Cool ako eh (eh ako na nga). Syempre, ito na lang rin ang panahong magagawa ito dahil nga pinepeste tayo ng mga school works tuwing may pasok. Ito rin ang pagkakataong magkakitaan kayo ng mga high school friends mo, o kung wala kang kaibigan noon kawawa ka naman (De joke lang). Ngayong bakasyon, hindi lahat ng barkada ko nakita ko pero masaya na rin dahil nakita ko 'yung iba. Nostalgic pa rin naman, nakakashock nga lang 'yung iba na akala mo walang nagdaang panahon noong huli mo silang makita at mas lalong nakakashock 'yung kala mo sandaang taon na ang lumipas dahil sa balbas nila. Cool yata 'yun ngayon.

Pagbabasa. 'yung hindi required

Aminin na natin, nakakabwiset talagang magbasa ng readings... Lalo na 'yung di mo maintindihan. Para kang pinipilit kumain kahit gusto mo nang isuka lahat. Masaya naman talagang magbasa eh, 'yun eh kung masaya yung binabasa mo. Dahil sa mga pasakit na readings na yan, ito na lang din ang panahon kong magbasa ng mga libro (oo, hindi lang halata pero mahilig po talaga akong magbasa). Lalo na ngayon na madaming magagandang libro na lumabas. Salamat sa mga nagregalo sa akin nung pasko. :)

Pigging out, legally

Ito naman talaga ang mamimiss ng lahat! 'yung kahit sobrang dami mo nang nakain at malapit ka nang magkaroon ng deadly sin, wala pa ring pumipigil sayong kumain. Bakit? Eh madaming pagkain eh. Walang huhusga sayo kahit nakatatlong balik ka nasa spaghetti, nagrice ka pa! Minsan lang naman 'to kaya, hala siya bira! Nakakainis nga lang 'yung mga taong sasabihin sa mga classmates pagkapasok, "shit! Tumaba ako!" eh malamang! Kung hindi mo ba naman binanatan 'yung fruit salad at cake edi sana hindi ka nagiinarte dyan, ginusto mo 'yan diba, panindigan mo! At kahit nakakainis na yan, mas nakakainis 'yung mga nagsasabi sayo ng, "uy! Tumaba ka!" Parang gusto mong suntukin ng malakas eh, one time lang. Pero 'wag. Ngumiti ka na lang at sabihing, "ikaw din".

Kahit naman pasukan na bukas, 'wag na tayong magmukmok sa sulok. May kinabuti rin naman ang pagpasok, tulad ng baon at tambay sa kung saan (Syempre, dagdag kaalaman (maisingit lang talaga eh noh?)). Pinakamasaya pa rin 'yung pagaabang kung magkakaroon ba ng pasok o wala kasi parang declaration of independence 'yun eh. Seryoso, sa dorm kulang na lang confetti.

Kayo, anong mamimiss niyo sa bakasyon?

Sunday, January 1, 2012

Eh bakit nga ba?

Minsan, dumadating ang momentum mo sa isang bagay pero hindi mo rin ito naisasagawa. Katulad kagabi. Pagkauwi ko galing inuman, sobrang daming tumatakbo sa isip ko na nais ko sanang malagay sa papel. Pero hindi ko na kinaya. Hindi naman ako lasing, sadyang sobrang inaantok lang (nagpalusot pa).

Sabi nga, "The spirit is willing but the flesh is weak".

Ito na lang din ang maidadahilan ko kung bakit hindi ko masabi-sabi sa taong gusto ko na gusto ko nga siya.

Theoretically speaking, hindi nga naman mahirap sabihin 'yun. Ano ba namang skills ang kelangan mo eh simula pagkabata tinuruan na tayo ng wastong pananalita. Pero dahil hindi naman sa lahat ng oras precise ang theories (oo, kahit sa physics), iba talaga pag kaharap mo na 'yung tao.

Sabi ko nga kahit nasa momentum na ako, kapag kaharap ko na yung taong gusto ko, biglang bumabalik sa zero. Minsan, kahit sobrang okay na ng pagkakataon na para bang naririnig na ako ng Diyos, pati siya gumagawa na ng paraan, wala pa rin. Sasabihin ko na, gusto naman talaga ng puso kong sabihin eh. Halos kumawala na ang mga salita sa bibig ko pero bwakanang bitch 'tong utak ko, paminsan kontrabida at sinasabing, "bakit mo pa kasi sasabihin?"

'Yun kasi ang problema sa akin, masyadong analytical ang pagiisip ng utak ko. Gusto, alam agad ang mangyayari pagkatapos. Eh sa tuwing maiisip ko ang mga posibleng mangyari, kanda leche-leche na. Dalawa lang naman eh, kung mamumuhay ba ko ng mapayapa at masaya o gugustuhin ko na lang bang bumuka ang lupang nasa ilalim ko at lamunin ako ng buhay.

Eh bakit ko nga ba sasabihin? Noong isang araw ko lang din pinagnilayan ang tanong na 'to at hindi ko rin pala talaga alam kung bakit ba ako kati-kating mailabas 'to sa sistema ko.

Sabi nga ng kaibigan ko, mahal ko na ba siya kaya ko sasabihin. Ang naisip ko lang, love is a strong word. Hindi ko pa yata kayang sabihin na mahal ko na siya. Bukod sa pamilya at mga kaibigan ko, wala nang extension ang pagmamahal ko. Mahirap na, ayokong sabihin pero di ko na gustong magkaroon pa ng rendezvous moment ang past love ko.

Pero oo, gusto ko siya. Gustong gusto. Nag-analyze ang utak ko kung mahal ko na ba siya, pero hindi. Gustong gusto ko siya nang sobra, inaakala lang siguro ng puso ko na mahal ko na siya. Pero hindi, hindi talaga.

Pati ba sarili ko, kukumbinsihin ko pa?


**isinulat noong huling araw ng 2011