Nagulat din ako nung nalaman ko.
Sabay tinabunan ng lungkot nang naproseso na ng utak. Aalis na daw si Sheri ng bansa.
Wala man lang intro ang pagkakasabi niya sa akin, diretso sa punto. Dumiretso din tuloy ang sakit sa puso ko nang malamang tatlong araw na lang ay wala na akong kasama sa araw-araw.
Pupunta raw siyang Canada at doon na magtatrabaho. Wala daw kasing oppurtunity dito. Hindi ko naman siya masisisi. Sinuwerte nga lang rin ako.
Gusto ko siyang pigilan.
Hindi ko pa nga nasasabi sa kanyang mahal ko siya. Oo, sa tagal naming naging magbest friend, at sa walang tigil na pangaasar ng mga kabarkada namin, tsaka ko lang din napagtanto. Sorry na, medyo slow lang ang utak, o baka puso. Pero ngayon, hindi na 'yun mahalaga. Wala na akong panahon.
Para akong nag-e-exam. Sampung minuto na lang at magpapasa na ng papel pero wala pa rin akong maisagot.
Binalikan ko lahat ng alaalang naalala ko naming dalawa.
Alam ko na. 'Yun din naman pala ang sagot, hindi ko lang agad nakita.
Nakaupo ako ngayon sa arrival area ng airport.
Sa kaliwang kamay ko'y may isang maliit na kahon na naghihintay ng may-ari. Sumilip pa 'ko ng isang huling beses sa papel na hawak ko sa kanan. Animo'y kodigo sa exam, kinakabisado ko ang mga sasambitin.
Pero wala rin itong silbi. Nilukot ko na ang papel at tumayo.
Natatanaw ko na kasi ang sagot sa malayo.
*working title
*draft, not final
No comments:
Post a Comment