Dahil pasukan na bukas (ako lang pala, nauna na yung iba kanina), at himala sa mga himalang maaga akong nagising ngayon, Nagkaroon ako ng pagkakataong magnilay at tanggapin sa sarili ko na tapos na nga ang bakasyon. Gusto ko pa sanang umiyak na parang batang nagiinarte dahil ayaw pa niyang pumasok sa school kaya lang sayang rin dahil ako lang naman ang gising sa bahay ngayong oras, sino namang manunuod ng pagiinarte ko?
Ang mga estudyante (sorry, yung ibang working hindi na kasali. Kelangan niyong matanggap lalo na wala na kayong bakasyon), bukod sa mga no class day holidays at free cuts, tiyak akong inaabangan itong bakasyon. Sino ba namang hindi? Eto yung mga panahong maihahambing natin ang ating mga sarili sa mga presong pinayagan ng parole protection.
Malaya tayo. Walang mga professors na parang mga pulis kung makapagbantay at makapagpahirap sa atin. Walang mga parusang school works na uupuan mo pa lang para gawin eh feeling mo nasa electric chair ka na. Walang bakas ng bartolina ng mga estudyante, ang classroom.
Pero wala, tapos na ang maliligaya nating araw. Kelangan na nating magpaalam sa mga bagay na kinasanayan natin habang tayo'y nasa labas.
Ano nga ba ang mga bagay na mamimiss mo ngayon bakasyon? Hindi ko sigurado 'yung sa inyo pero eto yung ilan sa mga bagay na mamimiss ko.
Vampire mode
At hindi ko tinutukoy yung mga kumikinang. Ito lang yung tawag ko sa kalayaan kong magpuyat hangga't hindi pa sumisikat ang araw. Kahit ano pwede mong gawin--manuod, magbasa, maginternet, magconcert, tumambling sa kwarto mo ng paulit-ulit, kausapin ang roommate na butiki, kahit ano huwag lang ang matulog. Ewan ko sa inyo pero lagi kong ginagawa 'to kapag bakasyon kasi pagkagising ko kinaumagahan (mga hapon 'yun), mapapasayaw na lang ako ng "jump brother" dahil alam kong wala pa ring pasok.
Series marathons
Adik ako sa kahit anong mapapanuod na series, basta maganda. Mapa-koreanovela, taiwan novela, jdorama pa yan o american series, wala akong sinasanto. Santong paspasan, ganyan ako manuod. Bibili ako ng dvd (sorry, Rony Ricketts) at hangga't maari isang upuan ang isang series. Baka isipin niyo baliw ako pero hindi ko lang talaga matiis na hindi ko alam ang katapusan ng isang kwento. Sa kasawiang palad, walang american series tuwing christmas break dahil syempre nagki-christmas din naman sila. Kaya kadalasan mga natirang mga anime o koreanovela sa aking mahiwagang baul (oo, pirata ako. Sorry na talaga) ang pinapanuod ko.
Party, party!
Sabi nga ng Black Eyed Peas, "Party all night and sleep all day" at dahil gusto ko sila, ginawa ko 'tong motto tuwing bakasyon. Cool ako eh (eh ako na nga). Syempre, ito na lang rin ang panahong magagawa ito dahil nga pinepeste tayo ng mga school works tuwing may pasok. Ito rin ang pagkakataong magkakitaan kayo ng mga high school friends mo, o kung wala kang kaibigan noon kawawa ka naman (De joke lang). Ngayong bakasyon, hindi lahat ng barkada ko nakita ko pero masaya na rin dahil nakita ko 'yung iba. Nostalgic pa rin naman, nakakashock nga lang 'yung iba na akala mo walang nagdaang panahon noong huli mo silang makita at mas lalong nakakashock 'yung kala mo sandaang taon na ang lumipas dahil sa balbas nila. Cool yata 'yun ngayon.
Pagbabasa. 'yung hindi required
Aminin na natin, nakakabwiset talagang magbasa ng readings... Lalo na 'yung di mo maintindihan. Para kang pinipilit kumain kahit gusto mo nang isuka lahat. Masaya naman talagang magbasa eh, 'yun eh kung masaya yung binabasa mo. Dahil sa mga pasakit na readings na yan, ito na lang din ang panahon kong magbasa ng mga libro (oo, hindi lang halata pero mahilig po talaga akong magbasa). Lalo na ngayon na madaming magagandang libro na lumabas. Salamat sa mga nagregalo sa akin nung pasko. :)
Pigging out, legally
Ito naman talaga ang mamimiss ng lahat! 'yung kahit sobrang dami mo nang nakain at malapit ka nang magkaroon ng deadly sin, wala pa ring pumipigil sayong kumain. Bakit? Eh madaming pagkain eh. Walang huhusga sayo kahit nakatatlong balik ka nasa spaghetti, nagrice ka pa! Minsan lang naman 'to kaya, hala siya bira! Nakakainis nga lang 'yung mga taong sasabihin sa mga classmates pagkapasok, "shit! Tumaba ako!" eh malamang! Kung hindi mo ba naman binanatan 'yung fruit salad at cake edi sana hindi ka nagiinarte dyan, ginusto mo 'yan diba, panindigan mo! At kahit nakakainis na yan, mas nakakainis 'yung mga nagsasabi sayo ng, "uy! Tumaba ka!" Parang gusto mong suntukin ng malakas eh, one time lang. Pero 'wag. Ngumiti ka na lang at sabihing, "ikaw din".
Kahit naman pasukan na bukas, 'wag na tayong magmukmok sa sulok. May kinabuti rin naman ang pagpasok, tulad ng baon at tambay sa kung saan (Syempre, dagdag kaalaman (maisingit lang talaga eh noh?)). Pinakamasaya pa rin 'yung pagaabang kung magkakaroon ba ng pasok o wala kasi parang declaration of independence 'yun eh. Seryoso, sa dorm kulang na lang confetti.
Kayo, anong mamimiss niyo sa bakasyon?